Legasiya ng People Power, Muling Isabuhay

 

Nakikiisa ang Philippine Human Rights Information Center (PhilRights) sa paggunita ng ika-40 anibersaryo ng People Power Revolution—isang makasaysayang sandali ng sama-samang pagkilos ng mamamayan laban sa diktadurya ni Ferdinand Marcos Sr.

Pinagpupugayan natin ang bawat buhay na inalay at bawat tapang na ipinamalas upang ipaglaban ang karapatan at kalayaan ng sambayanan. Ang kolektibong pag-alala sa katapangan ng mga estudyante, manggagawa, magsasaka, katutubo, kababaihan, simbahan, at iba pang sektor na nanguna sa pagpapatalsik sa diktador ay mahalagang bahagi ng ating paninindigan: na hindi dapat malimot ang mga paglabag sa karapatang pantao at pandarambong na isinagawa ng pamilyang Marcos at kanilang mga kroni. Simbolo ang ating paggunita ng paninindigang hindi na muling babalik ang bansa sa madilim na yugto ng batas militar at awtoritaryanismo. Pinatunayan ng People Power Revolution na ang mulat at organisadong mamamayan ang tunay na gumagawa ng kasaysayan.

Simbolo ang ating paggunita ng paninindigang hindi na muling babalik ang bansa sa madilim na yugto ng batas militar at awtoritaryanismo.


Rod to the Hague 2.0
Ang nalalapit na pagdinig ng kumpirmasyong ng mga kaso ni Rodrigo Duterte sa The Hague, Netherlands mula ika-23 hanggang ika-27 ng Pebrero ay bunga ng sama-samang lakas at walang humpay na pagpupunyagi ng mamamayan. Ang pag-abot sa yugto ng confirmation of charges ay dulot ng puspusang pakikibaka; ito ay resulta ng tapang ng mga pamilyang nagbahagi ng kanilang mga kuwento upang ilantad ang malawakang pagpatay sa ilalim ng “war on drugs,” ng masinop na dokumentasyon at pananaliksik ng mga akademiko at organisasyong sibiko, at ng tuloy-tuloy na kampanya ng mga human rights defenders at mamamayan upang panagutin ang mga responsable sa paglabag sa karapatang pantao ng bawat biktima.

Nagpupugay ang PhilRights sa mga indibidwal at organisasyong nag-ambag sa laban para sa hustisya. Ang pag-usad ng kaso ay patunay na ang kolektibong pagkilos—mula lokal hanggang internasyonal—ay may kakayahang panagutin kahit ang pinakamakapangyarihan.

Punuin ang EDSA

Sa ika-25 ng Pebrero, muli nating punuin ang EDSA hindi lamang upang gunitain ang nakaraan, kun’di upang igiit ang mga kasalukuyang ipinaglalaban. Ipagdiwang natin ang legasiya ng lakas ng taumbayan na nagpatalsik sa diktador noon—at pairalin ang parehong tapang upang panagutin ang mga lumalabag sa karapatang pantao at nagnanakaw sa kaban ng bayan ngayon.

Sa panahong patuloy na dumaranas ang mamamayan ng kahirapan, kagutuman, korapsyon, at kawalan ng pananagutan, higit kailanman kinakailangan ang pagkakaisa at kolektibong pagkilos. Sama-sama nating igiit ang hustisya, pananagutan, at isang lipunang tunay na makatarungan at makatao!

Previous
Previous

An Ode to my Mother, to the Manananggal, and to Womanhood

Next
Next

Yang Human Rights Na 'Yan: Capitalism, It's Not Giving