Ang Kababaihan sa Unahan ng Kasaysayan

 

Ngayong ika-8 ng Marso, ating gunitain ang mahabang kasaysayan ng pakikibaka ng kababaihan para sa karapatan at tunay na paglaya. Nakikiisa ang PhilRights sa Pandaigdigang Araw ng Kababaihan bilang pagpupugay sa mga babaeng patuloy na lumalaban sa imperyalismo, patriyarka, at burukrata-kapitalismo. Ang mga sistemang ito ang nagpapatuloy ng pang-aapi at pagsasamantala sa iba’t ibang anyo.

Unang isinulong ang pagdiriwang na ito noong 1910 ng sosyalistang si Clara Zetkin. Layunin nitong kilalanin ang papel ng kababaihan sa pandaigdigang kilusang paggawa at igiit ang makatarungang sahod, makataong kondisyon sa paggawa, at pagwawakas ng digmaan at imperyalismo. Mula noon, ang ika-8 ng Marso ay naging araw ng kolektibong pagkilos para sa pang-ekonomiya, sibil, at politikal na karapatan ng kababaihang manggagawa at mamamayan sa iba’t ibang panig ng mundo.

Sa Pilipinas, nakaugat ang diwa ng araw na ito sa anti-kolonyal na pakikibaka at sa matapang na pagtindig ng mga organisasyong pangkababaihan. Sa iba’t ibang yugto ng kasaysayan, nag-ambag sila sa pagsusulong ng karapatan at paglaya, kabilang ang paglaban sa diktadurya ni Ferdinand Marcos Sr. Noon at ngayon, taglay ng kababaihan ang palabang diwa, talas ng pag-iisip, kapasyahan, at buong-loob sa pagtangan ng mga responsibilidad bilang mga lider, organisador, edukador, at tagapagtanggol ng karapatang pantao. Pinatutunayan nito na ang kababaihan ay aktibong puwersang humuhubog sa kasaysayan at sa bawat pakikibaka para sa pagkakapantay-pantay, unti-unti rin nilang pinalalaya ang sarili mula sa pagkakagapos.

Sa kasalukuyan, nananatiling mabigat ang kalagayan ng kababaihan sa gitna ng krisis pang-ekonomiya at pampulitika. Ayon sa Ulat Lila ng Center for Women's Resources (2026), anim sa sampung OFW ay babae—marami ang napipilitang mangibang-bansa dahil sa kakulangan ng disenteng trabaho sa loob ng bansa. Nakapagtala rin ng 13,211 kaso ng violence against women, at anim sa sampung kaso ay may kinalaman sa domestic violence. Sa mga pamilyang naapektuhan ng madugong kampanya kontra-droga ni Rodrigo Duterte—lalo na kung ang pinaslang ay breadwinner—ang mga ina, asawa, at kapatid na babae ang pumapasan ng responsibilidad na itaguyod ang pamilya. Bukod dito, kababaihan din ang tumatayong caregiver at justice-seeker upang maghilom, maghanap ng hustisya, at magtaguyod ng katotohanan habang marami sa kanila ay patuloy na humaharap sa panganib ng karahasan.

Ngunit hindi padadaig ang kababaihan. Sa laban para sa pananagutan, ang mga babaeng kaanak ng mga biktima ang nanguna sa pag-oorganisa, paglalantad ng katotohanan, at paggiit ng hustisya. Mula sa personal na pagdadalamhati, natagpuan nila ang lakas sa isa’t isa. Sa pagkilalang magkakaugnay ang kanilang mga danas, namulat sila sa mas malawak na opresyon at naging mga tagapagtanggol ng karapatang pantao—nakikibaka hindi lamang para sa sariling pamilya kun’di para sa sistematikong pagbabago, kabilang ang pagpapanagot sa mga korap at sa mga burukrata-kapitalista.

Sa Pandaigdigang Araw ng Kababaihan, malinaw ang ating paninindigan: hindi matatamo ang tunay na demokrasya at kaunlaran kung nananatiling api ang kababaihan. Makiisa. Manindigan. Ipaglaban ang karapatan ng kababaihan sa pagkakapantay-pantay at sa ganap na pamumuhay nang may dignidad. Sapagkat hindi tunay na malaya ang lipunan hangga’t hindi malaya ang kababaihan.

#IWWD2026 #Herstory #KababaihanParaSaPagbabago #KurakotManagot

Previous
Previous

We Turn the Tide: Seeking Justice amidst a Human Rights Crisis